Liderato ng Kamara, kumpyansang maipapasa ng Senado ang panukalang economic Cha-Cha

Kumpiyansa si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makakamit ng Senado ang kailangang 18 boto, o three-fourths ng kanilang miyembro, para pagtibayin ang panukalang pag-amyenda sa mga economic provisions ng 1987 constitution.

Ayon kay Romualdez, naniniwala sya sa liderato ng Senado, lalo na sa kakayahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kumbinsihin ang mga kasamahan niya na suportahan ang economic Cha-Cha.

Diin pa ni Romuldez, magagaling ang ating mga senador at alam nila kung ano ang makabubuti para sa mamamayang Pilipino.


Reaksyon ito ni Romualdez sa sinabi umano ni Zubiri na isang malaking hamon ang pagkuha ng 18 na kinakailangang boto ng mga senador para sa economic amendment proposals.

Muli, iginiit ni Romualdez, na ang pagluluwag sa ekonomiya para sa mga dayuhang negosyante ay malaking tulong sa puspusang pagsisikap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makahikayat ng dayuhang pamumuhunan.

Ito aniya ay dahil hangad ni Pangulong Marcos ang pagkakaroon ng mas maraming trabaho at mas mainam na buhay para sa mga Pilipino na syang ibubunga kapag na-liberalize na o nabuksan ang ating ekonomiya.

Facebook Comments