Labis ang pasasalamat ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga Pilipino na patuloy na sumusuporta at nagtitiwala sa kanyang liderato sa Mababang Kapulungan.
Pahayag ito ni Speaker Romualdez makaraang siya ay mamayagpag sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research Group na isinagawa mula Marso 24 hanggang 28.
Para kay Romualdez, bukod sa personal achievement, ito ay pagkilala rin sa walang kapagurang pagtatrabaho ng Kamara at dedikasyon ng kanyang mga kasamahang kongresista.
Bunsod nito ay tiniyak ni Romualdez na mas pag-iibayuhin pa nila ang pagsusulong ng mga panukalang batas na magbibigay solusyon sa mga hinaing at problema ng publiko.
Si Romualdez ay nakapagtala ng 59% satisfaction rating at 55% trust rating.
Sa kaparehong survey ay nakapagtala naman si Pangulong Bongbong Marcos ng 80% satisfaction rating at 83% trust rating.
Si Vice President Sara Duterte ay nakakuha naman ng 84% satisfaction rating at 87% trust rating.
Si Senate President Juan Miguel Zubiri ay mayroong 53% satisfaction at 50% trust rating.
At si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ay nakakuha ng 41% satisfaction at 39% trust rating.