
Hangad ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na agarang maipasa ang mga panukalang batas na layuning mapalakas ang kapangyarihan ng Independent Commission for Infrastructure o ICI na syang nag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay House Committee on Government Reorganization Chairman at Bulacan Representative Salvador Pleyto, kabilang dito ang House Bill 4453 na inihain ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Representative Leila de Lima at iba pang kongresistang kasapi ng minorya gayundin ang House Bill 5699 ni Navotas Representative Toby Tiango.
Binanggit ni Pleyto na magsasagawa sila ng hearing sa dalawang panukala sa November 11 at naniniwala syang walang kongresista ang kokontra dito dahil para ito sa ikabubuti ng taumbayan at para matapos na ang mga korapsyon.
Sabi ni Pleyto, target nila na sa November 13 ay maisalang na sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ang consolidated version ng mga panukala upang sa November 17 ay maipasa na ito sa ikatlong pagbasa at maisumite na rin sa Senado.
Ang counterpart bills naman nito sa Mataas na Kapulungan ay inihain nina Senate President Tito Sotto at Senator Risa Hontiveros.









