Kaugnay sa selebrasyon ngayong araw ng National Heroes’ Day, nanawagan si Speaker Martin Romualdez sa mga Pilipino na balikan ang buhay ng ating mga bayani at isabuhay ang kanilang kahanga-hangang katangian.
Ayon kay Romualdez, ang ating mga bayani, katulad nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Gregorio del Pilar ay pawang mga ordinaryong mamamayan lang na pinagbuklod ng kanilang mga pangarap para sa kalayaan ng bayan at mga kababayan.
Sabi ni Romualdez, hindi tayo dapat maging limitado lang sa pagbibigay parangal sa ating mga bayani gayundin sa pag-alala sa kanilang mga naging sakripisyo at pagsasantabi sa sarili nilang kapakanan para sa ikabubuti ng ating inangbayan.
Diin ni Romualdez, dapat ay isabuhay rin natin ang kanilang kapuri-puring katangian at pagiging makabayan para mapatatag ang ating bansa at maibangon ang ating ekonomiya mula sa pandemya.
Giit ni Romualdez, nananalaytay sa ating ugat ang dugo ng ating mga bayani kaya siguradong taglay rin natin ang kanilang tapang para bumangon mula sa mga hamong hatid ng kasalukyang panahon.
Ayon kay Romualdez, may iba’t ibang paraan para katulad ng ating mga bayani ay magampanan natin ang ating pagmamahal sa bayan.
Pangunahing inihalimbawa ni Romualdez ang paglilingkod sa bayan tulad ng ating health frontliners na nagbigay ng matinding serbisyo sa publiko sa panahon ng pandemya, ang ating law enforcers na nagpapanatili sa ating kaligtasan at mga delivery rider na tumutugon sa ating mga pangangailangan.