Manila, Philippines – Desidido si House Speaker Pantaleon Alvarez na bigyan ng isang libong pisong budget ang Commission on Human Rights (CHR) para sa 2018.
Ayon kay Alvarez, hindi naman ginagampanan ng CHR ang tungkulin nito kaya hindi na magbabago ang pasya ng liderato ng Kamara.
Sa ilalim aniya ng konstitusyon, trabaho ng CHR na protektahan ang karapatang pantao ng lahat ng Pilipino.
Pero kabaligtaran ang ginagawa ng CHR kung saan karapatan lamang ng mga kriminal ang inaatupag nito at hindi ang mga biktima ng krimen.
Katwiran ni Alvarez, kung ganito lang ang ginagawa ng CHR, mas mabuting sa mga kriminal na din humingi ng budget ang ahensiya at hindi sa gobyerno.
Balewala sa Speaker kung maging mahina ang kapasidad ng CHR tutal aniya ay useless na din naman ang ahensya sa ngayon.