Liderato ng Kamara, suportado ang deklarasyon ng Climate Emergency

Suportado ni House Speaker Lord Allan Velasco ang deklarasyon ng climate emergency upang mapabilis ang mga hakbang sa paglaban sa climate change at sa epekto nito.

Ayon kay Velasco, ang deklarasyon ng climate emergency ay mag-o-obliga sa gobyerno, sa Kongreso at sa iba’t ibang stakeholders na gawing sentro ng kanilang policy at planning decisions ang climate change.

Paliwanag ng Speaker, kinikilala dito ang pangangailangan ng bansa sa malawakang aksyon para protektahan ang mga Pilipino at ang kapaligiran sa mapaminsalang epekto ng climate change.


Punto pa ni Velasco, ilang dekada na rin na humaharap ang bansa sa climate emergency at nag-iiwan pa ito ng milyong mga Pilipino na taon-taon ay naghihirap sa epekto ng mga kalamidad na dulot ng climate change.

Ito rin aniya ang dahilan kaya naman ang Pilipinas ay ikinukunsiderang isa sa mga “most disaster-prone” at “climate-vulnerable country” sa buong mundo.

Nagbabala naman si Velasco na marami pang bagyo ang tatama sa bansa kaya naman mainam na mapaghandaan ito upang maiwasan ang pagkawala ng buhay at pagbagsak ng ekonomiya.

Kamakailan lamang ay ini-adopt ng Kamara ang House Resolution 1377 na nagdedeklara ng climate at environmental emergency at House Resolution 535 patungkol naman sa disaster climate emergency awareness.

Facebook Comments