Sang-ayon si House Speaker Lord Allan Velasco sa napipintong pagluwag ng community quarantine restrictions sa bansa.
Kaugnay ito sa rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa simula sa Marso.
Naniniwala si Velasco na kung i-re-relax ang mga paghihigpit ay mababawasan ang epekto ng COVID-19 lalo na sa ekonomiya ng bansa.
Bukod dito, paparating naman na aniya ang mga bakuna na patuloy na inaasikaso ng gobyerno.
Makabubuti aniya kung hihimukin na rin ang publiko na muling tangkilikin ang mga negosyo basta’t matitiyak na nasusunod ang minimum health at safety protocols.
Kasabay nito ay muling iginiit ni Velasco na mas malaki ang maitutulong sa bayan kung maaaprubahan ang Bayanihan 3 na layong maayudahan ang mga Pilipino, mga negosyo at mga sektor na apektado ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 224 mga kongresista ang nagpahayag ng suporta sa Bayanihan 3 na itinutulak ng Speaker.