Suportado ni House Speaker Lord Allan Velasco ang hakbang ng gobyerno na gawing abot-kaya ang COVID-19 test o ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) swab test.
Ang pagbibigay suporta ni Velasco na gawing mura ang halaga ng swab test ay kasunod na rin ng paglalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order na nag-aatas na magtakda ng price ceiling para sa COVID-19 test kits at testing services.
Inirekomenda ni Velasco na gawing mas mababa pa sa singil ng RT-PCR test ng Red Cross ang presyo na itatakda para sa swab test sa mga ospital at laboratoryo.
Ayon kay Velasco, ang pagkakaroon ng price cap sa swab test ay magreresulta ng uniform rate kung saan mahihimok maski ang mga mahihirap na isailalim ang kanilang mga sarili sa screening lalo na sa oras na makaranas ng sintomas ng virus.
Sinabi pa ng Speaker na kung gagawing mas accessible at mura ang RT-PCR test ay tiyak na tataas ang bilang ng mga magpapasuri at madali ring matutukoy, maibubukod at magagamot ang mga positibo sa Coronavirus Disease.
Dahil dito, malaki ang posibilidad na kung mapapalawak ang mga magpapatest ay mas mapapabilis din ang pagbubukas at pagbangon ng ekonomiya ng bansa at makakabalik agad sa dati ang normal na buhay ng mga tao.