Liderato ng Kamara, tahimik sa “silent war” sa pagitan ng mga kaalyado ni Speaker Velasco

Tila may silent war sa loob ng House of Representatives sa pagitan ng mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco matapos magkaroon ng pikunan sa pagitan ng ilang mambabatas na kinuwestiyon ang pagkakatalaga kay Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte bilang Chairman ng House Committee on Accounts.

Nag-ugat ang silent war nang kuwestiyunin umano ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin na kilalang supporter ni Velasco ang posisyong ibinigay kay Duterte.

Sa dinner gathering ng Velasco supporters sa Rizal Park Hotel noong Nobyembre 10 matapos ang naging oathtaking ng Speaker kay Pangulong Rodrigo Duterte, nagbiro umano si Garin kay Pulong na “hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto”.


Hindi ito nagustuhan ni Duterte na nagresulta sa komosyon at humantong sa awatan.

Matapos ang insidente, isang Viber message ang ipinadala ni Duterte sa mga kongresista pasado alas 2:00 ng madaling araw noong Nobyembre 11 na nakasaad ng paghingi nito ng paumahin sa nangyari.

Aminado syang nagkaroon ng gulo subalit humingi na sya ng tawad kay House Speaker Velasco.

Matatandaan na si Duterte ay hindi bumoto kay Velasco nang magkaroon ng Speakership row dahil sa katwiran na parehas niyang malapit na kaibigan sina Velasco at dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

Nang maupo bilang Speaker, ilang kaalyadong mambabatas ang pinangakuan ni Velasco ng pwesto kung saan isa dito si Garin na target ang Chairmanship ng House Ways and Means Committee na inookopahan ni Albay Rep. Joey Salceda.

Batay sa ilang insider, para mapagbigyan si Garin ay ililipat bilang Deputy Speaker si Salceda ngunit hindi naman ito pumapayag.

Kamakalawa ay nagkaroon ng rigodon sa Kamara kung saan inupo ang tatlong bagong Deputy Speakers na sina Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, Buhay Partylist Rep. Lito Atienza at Las Piñas Rep. Camille Villar para maging kapalit nina Deputy Speakers Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez at Batangas Rep. Raneo Abu.

Hindi naman tinanggap ni Villar ang posisyon.

Facebook Comments