Liderato ng Kamara, tiniyak ang pagpapatibay sa mga panukala na kasama sa legislative agenda ng pangulo

Ginarantiyahan ni House Speaker Lord Allan Velasco na pagtitibayin ng Mababang Kapulungan ang lahat ng mga panukalang batas na kasama sa legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte partikular ang mga nabanggit nito sa kaniyang huling State of the Nation Address (SONA).

Ayon kay Velasco, susundin ng Kamara ang panawagan ng presidente na maibalik na sa normal ang buhay ng mga tao, at pasiglahin ang ekonomiya na pinadapa ng husto ng pandemya.

Giit ni Velasco, hindi lamang dapat matiyak na ang ekonomiya ay handang magbukas, kundi kailangan ding handa ang mga tao para dito.


Dagdag ng speaker, dapat ding masiguro sa publiko na mayroon silang aasahang trabaho, kabuhayan, at maayos na health care system.

Nauna nang sinabi ni Velasco na kabilang sa mga aatupagin ng Kamara ngayong pagbubukas sesyon alinsunod na rin sa nailatag sa Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC, ay ang mga panukalang: Philippine Virology Institute Act, Center for Disease Control Act, Amendments to the Continuing Professional Development Act of 2016, Bureau of Immigration Modernization Act, at National Housing Development Act.

Facebook Comments