
Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa publiko na handang-handa na ang House prosecution team para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Romualdez, ini-report sa kaniya ng mga kongresistang tatayo bilang prosecutors na preparado na sila na mag-present ng kaso sa oras na ikasa ang paglilitis sa bise presidente.
Diin ni Romualdez, masusing sinuri ng prosecution panel ang mga ebidensiya at legal arguments upang matiyak ang matibay at makatotohanan na presentasyon sa harap ng Senado na tatayong impeachment court.
Kaugnay nito ay pinuri naman si Romualdez si Senate President Francis “Chiz” Escudero at ang pamunuan ng Senado dahil sa kanilang ding paghahanda para sa impeachment trial.
Mensahe ito ni Romualdez, makaraang pagbigyan ni Escudero ang hiling ng Kamara na magsagawa ng ocular inspection at magkaroon ng kwarto sa Senado na magagamit ng prosecutors at ng House secretariat sa oras na magbukas na ang impeachment court at simulan ang paglilitis.