Liderato ng Kamara, tiniyak na hindi matutulad si Sereno sa kapalaran ng yumaong dating Chief Justice Corona

Manila, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi matutulad si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kapalaran at sinapit noon ng napatalsik na si dating Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Alvarez, hindi nila mamadaliin ang proseso ng impeachment laban sa Chief Justice.

Sa katunayan aniya, hinarang niya ang gusto ng mayorya ng mga mambabatas na kumalap na lamang ng pirma ng 98 mambabatas o 1/3 sa kabuuang bilang ng mga kongresista para agad na maipasa ang Articles of Impeachment sa Senate Impeachment Court.


Sinabi ni Alvarez na hindi mangyayari kay Sereno ang sinapit noon ni Corona kung saan minadali ang pagpapatalsik dito kung saan 115 na mga kongresista ang pumirma sa reklamo.

Siniguro din ng Speaker na may sapat na ebidensya bago maiakyat ang reklamo sa Senate Impeachment Court dahil magiging unfair para kay Sereno kung iaakyat agad sa Senado para maisalang sa paglilitis.

Mismong si Alvarez na rin ang nagsabing sasampalin nito ang sinumang kongresista na mamimilit na papirmahin ang mga mambabatas sa impeachment complaint.

Facebook Comments