Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na imbestigahan ang nadiskubre ng House Committee on Agriculture and Food na manipulasyong ginawa ng kartel kaya umakyat sa ₱700 ang presyo kada kilo ng sibuyas.
Bunsod nito ay tiniyak ni Romualdez na makikipagtulungan ang Mababang Kapulungan sa isasagawang imbestigasyon ng mga otoridad laban sa mga nasa likod ng kartel na kumontrol sa lokal at imported na suplay ng sibuyas.
Ayon kay Romualdez, handa silang ibigay sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga data o mga impormasyong lumabas sa isinagawang pagdinig ng Kamara ukol sa manipulasyon sa presyo ng sibuyas at iba pang agricultural products.
Magugunitang inihayag ni Marikina Rep. Stella Quimbo na lumabas sa pagdinig ng Kamara na si Lillia o Leah Cruz at ang kanyang kompanya ang siyang nasa likod umano ng manipulasyon.
Kaugnay nito ay nangako naman si Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos na patuloy na poproteksyunan ng Kamara ang interes ng mga mamimili sa pamamagitan ng pagbabantay laban sa mga negosyanteng mananamantala.