Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kahit nasa Malaysia ay nakatutok si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pananalasa ng Bagyong Egay at panay din ang report sa kanyang ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Speaker Romualdez, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga ahensiya na kasama sa disaster response na ibigay kung anuman ang kailangan ng mga lokal na pamahalaan na tinamaan ng bagyo.
Kabilang sa tinukoy ni Romualdez ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Kaugnay nito ay kinausap naman ni Romualdez ang DSWD at Department of Labor and Employment (DOLE) na maghanda ng pondo para sa mga nasira ang tirahan at nawalan ng hanapbuhay dahil sa bagyo.
Binanggit ni Romualdez na si Appropriations Committee Chairman Cong. Zaldy Co naman ay naghahanap na rin ng pondo na pangsuporta sakaling magkulang ang pondo ng executive department.