Buo ang pag-asa ni House Speaker Martin Romualdez na magiging produktibo at matagumpay din ang pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa Estados Unidos.
Si PBBM ay tumulak na patungong New York City USA, para dumalo sa 77th United Nations General Assembly (UNGA), kung saan kasama rin si Romualdez.
Tiwala si Romualdez, na katulad ng matagumpay na state visit ni Pangulong Marcos sa Singapore at Indonesia ay maibibida rin nito ang Pilipinas sa mga negosyante at makakakuha ng mga pamumuhunan sa bansa.
Binanggit din ni Romualdez na ang Estados Unidos ay isa sa pinaka malaking trading at economic partner ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Romualdez, ang Amerika rin ang may pinakamalaking ambag sa remittance ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na malaking tulong sa ating bansa at ekonomiya na pinilay ng COVID-19 pandemic.