Tiwala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang 15-taong pagpapalawig sa Malampaya service agreement ay magpapatatag sa presyo ng kuryente sa bansa at makababawas sa mga brownouts.
Si Romualdez ay kabilang sa mga opisyal ng pamahalaan na sumaksi sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang ng renewal ng Malampaya Service Contract No. 38 na nakatakda sanang mapaso sa Feb. 22, 2024.
Para kay Romualdez, ito ay isang welcome development dahil may mahalagang ambag ang Malampaya gas field sa pangangailangan ng bansa sa enerhiya.
Tinukoy ni Romualdez na mismong si Pangulong Marcos ang nagsabi na dito nagmumula ang 20% ng energy requirement sa Luzon.
Ayon kay Romualdez, ang extension ng SC 38 ay malaking tulong sa pagsisikap ng Marcos administration na magkaroon ng dagdag na pagkukunan ng enerhiya upang mapababa ang presyo nito at mapigilan ang problema o kakulangan sa suplay.
Tiniyak naman ni Romualdez ang patuloy na suporta ng Mababang Kapulungan sa mga hakbang ng administrasyon para makamit ang energy security tulad ng pagsusulong na maamyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).