Liderato ng Kamara, tiwalang magkakatotoo ang pahayag ng IMF na magiging mabilis ang paglago ng ating ekonomiya

Tiwala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makakamit natin ang pahayag ng bumisitang grupo mula sa International Monetary Fund (IMF) na magiging mabilis ang paglago ng ating ekonomiya sa huling semestre ng taon at sa susunod na taon.

Diin ni Romualdez, ang nasabing forecast ng IMF ay patunay na mahusay ang mga polisya at reporma na ipinapatupad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaakibat ang pagiging matatag at masikap ng mamamayang Pilipino.

Sa pakikipagpulong kay Romualdez ay sinabi ng IMF team na makatutulong sa paglago ng bansa ang inaasahang pagpasa ng panukalang 2024 budget bago matapos ang taon at ang mga batas at panukala na makakahatak ng mga dayuhang mamumuhunan.


Binanggit din ni Romualdez ang sinabi ng IMF na ang panukalang pagbubuwis sa pagmimina ay makatutulong upang madagdagan ang pondo ng gobyerno habang napananatili nito ang pagiging competitive ng bansa.

Ayon kay Romualdez, bukod dito ay sinabi pa ng IMF team na magandang ideya rin para sa Pilipinas kung palalakasin ang kaalaman ng mga mamamayan sa paggamit ng Artificial Intelligence, lalo na sa Business Process Outsourcing industry kung saan mayroong competitive advantage ang bansa.

Inirekomenda rin aniya ng IMF team na lalo pang pagandahin ang regulasyon kaugnay ng pagproseso ng mga permit at kinakailangang dokumento sa pagnenegosyo.

Facebook Comments