Kumpiyansa si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kayang makamit ang 6-7% na economic growth target ngayong na itinakda ng Development and Budget Coordination Committee at National Economic and Development Authority (NEDA).
Tiwala si Romualdez na magtutuloy-tuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., lalo na kung matutupad ang pag-amyenda sa mga economic provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Romualdez, ang Pilipinas pa rin ang magiging may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa Asia-Pacific region kung aangat ng 6% ang ating ekonomiya ngayon taon.
Gayunpaman, aminado si Romualdez na maaaring makaapekto sa paglago ng ekonomiya ang epekto ng El Niño phenomenon lalo na sa sektor ng agrikultura at produksyon ng pagkain.
Bunsod nito ay nananawagan si Romualdez sa mga ahensya ng gobyerno lalo na sa Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR) at National Irrigation Administration (NIA) at mga lokal na pamahalaan na tulungan ang sektor ng pagsasaka.