Buo ang pag-asa ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na matutuloy sa Miyerkules, December 20, ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa 5.768 trilyong pisong Pambansang Pondo para sa susundo na taon.
Sabi ni Romualdez, unang plano ni PBBM na lagdaan sana ang 2024 national budget bago siya magtungo ng Japan pero hindi naisakatuparan dahil maraming pang kopya nito ang kailangang i-print.
Ayon kay Romualdez, nai-transmit na sa Office of the President ang Bicameral Conference Committee version ng national budget na niratipikahan ng Senado at Kamara.
Tiwala si Romualdez na walang anumang bahagi ng 2024 budget ang ibi-veto ni Pangulong Marcos dahil sinunod nila ang lahat ng parameters at naging mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng Mataas at Mababang Kapulungan sa Office of the President hinggil dito.
Kampante rin si Romualdez na kakatigan ni Pangulong Marcos ang pagtanggal ng confidential funds sa civilian agencies sa ilalim ng 2024 budget na kanilang inilpat sa mga ahensyang nangangalaga sa seguridad ng bansa.
Diin ni Romualdez, ang naturang hakbang ay sinang-ayunan ng mga kinauukulang departamento at sa katunayan ang iba ay boluntaryong nag-withdraw ng confidential funds na unang inilaan sa kanila.