Liderato ng Kamara, tiwalang may sapat na pondo sa 2021 budget para sa anti-COVID-19 vaccines

Natitiyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na may sapat na pondo sa ilalim ng ₱4.5 trillion 2021 national budget para sa bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Cayetano, may sapat na alokasyon ang gobyerno para pambili ng anti-COVID-19 vaccines at sa pagsasagawa ng therapeutic science research.

Umapela lang ang Speaker sa Inter-Agency Task Force (IATF) na bigyan sila ng tamang impormasyon nang sa gayon ay makapaglaan ang Kongreso ng akmang halaga para sa procurement ng anti-COVID-19 vaccines.


Ang panawagan ni Cayetano ay kasunod na rin ng nakita niyang ulat na ang bansang Australia ay naghahanda na ng US $1.2 billion para sa bakuna.

Bagama’t batid ni Cayetano na iba naman ang itatakdang presyo ng mga manufacturers ng bakuna sa mga developing countries, hindi pa naman nakasisiguro na mapapabilang dito ang bansa upang bigyan tayo ng mas mababang presyo ng COVID-19 vaccine.

Sinabi pa ng Speaker na maigi silang nakikipag-ugnayan ngayon sa Senado at sa mga Cabinet Secretaries upang matiyak na targeted at nakatugon sa COVID-19 ang pambansang pondo sa susunod na taon.

Facebook Comments