Niratipikahan na ng Kamara ang Bicameral Conference Committee report ng SIM Card Registration Bill na nag-uutos na irehistro ang lahat ng Subscriber Identity Module o SIM card.
Umaasa si House Speaker Martin Romualdez na hindi ive-veto ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang panukala katulad ng ginawang pag-veto noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Romualdez, sa ipinasang bersyon ngayon ng panukalang SIM Card Registration Act ay inalis nila ang probisyon ukol sa pagpaparehistro ng social media accounts na siyang dahilan ng pag-veto noon ni dating Pangulong Duterte.
Para kay Romualdez, napapanahon itong maisabatas bilang solusyon sa talamak na panloloko sa pamamagitan ng text messages na maaring magdulot ng trahedya sa buhay at makasira sa public order.
Ayon kay Romualdez, kapag naisabatas ang SIM Card Registration Bill ay mas magiging responsable ang mga gumagamit ng cellphone o iba pang electronic devices na may sim card.
Diin pa ni Romualdez, maituturing din itong sandata ng mga alagad ng batas laban sa mga gumagawa ng krimen gamit ang telecommunication devices.