Liderato ng Liberal Party, nanawagan ng proteksyon sa karapatang pantao ng mga sibilyan sa Mindanao kasabay ng pag-iral ng martial law

Manila, Philippines – Binigyang diin ni Liberal Party o LP President Senator Francis Kiko Pangilinan na kaisa sila ng buong bansa sa hangarin na maibalik sa normal ang sitwasyon sa Marawi City sa lalong madaling panahon.

Sabi pa ni Pangilinan, nirerespeto nila ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law para matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa Mindanao.

Pero kaakibat nito ay iginiit ni Pangilinan sa pamahalaan na protektahan ang karapatang pantao ng mga sibilyan kasabay ng umiiral na martial ngayon sa buong Mindanao.


Paalala ni Pangilinan, sa pag-iral na batas militar ay hindi nahihinto ang pag-iral ng mga probisyon sa konstitusyon na nagbibigay garantiya sa pag-iral ng due process at sistema ng katarungan upang bigyang proteksyon ang karapatang pantao ng bawat isa.

Ipinaliwanag pa ni Pangilinan na ang suspension ng writ of habeas corpus ay para lamang sa mga indibidual na sangkot sa rebelyon o panggugulong nagaganap.

Maliban dito ay tiniyak din ni Pangilinan na gagampanan nila sa Kongreso ang mandato na busisiing mabuti ang naging basehan ng deklarasyon ng batas militar ni Pangulong Duterte.

Dapat aniya ang lahat ay magbantay na mabuti upang hindi na maulit ang mga pag-abuso sa ilalim ng umiral na batas militar noong panahon ng rehimeng Marcos.
DZXL558

Facebook Comments