Manila, Philippines – Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Senate Blue Ribbon Committee na pag-aralan munang mabuti kung dapat ba nitong imbestigahan ang umano’y pagkakaroon ng ill-gotten wealth ni Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ang pahayag ni Drilon ay kasunod ng paghahain ni Senate Majority Leader Tito Sotto III ng senate resolution na nagsusulong na imbestigahan ng senate blue ribbon committee ang mga isyu ng korapsyon laban kay Bautista na isiniwalat ng kanyang misis na si Patricia.
Pero paliwanag ni Drilon, si Bautista bilang pinuno ng COMELEC ay isang impeachable official.
Ang mga paratang aniya ng misis nito ay maaring maging basehan ng impeachment case.
Ayon kay Drilon, sa oras na magdesisyon ang Kamara na magsulong ng impeachment complaint laban kay bautista ay aakyat ito sa senado na tatayong impeachment court kung saan silang mga senador ay aakto bilang mga judge.
Bunsod nito ay hinikayat ni drilon si Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na ikonsidera ang nabanggit na mga punto at saka nito ilahad sa plenaryo ang gagawing aksyon kaugnay sa kontrobesyang kinakaharap ngayon ni Bautista.
Liderato ng minorya sa senado, atubiling suportahan ang isinusulong na imbestigasyon kay COMELEC Chair Andres Bautista
Facebook Comments