Ibibigay ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., ang buong suporta nito sa PNP-Special Action Force.
Ito ang binigyang diin ng PNP chief makaraang ipagdiwang ng PNP-SAF ang kanilang ika-40 anibersaryo kahapon.
Ayon kay Acorda, tinitiyak niya na maibibigay ang buong suporta sa SAF sa kanilang mga pangangailan pagdating sa manpower, armas, komunikasyon, transportasyon, benepisyo at maraming iba pa.
Binigyang diin pa nito na hangga’t maari ay walang dapat na maulila na pamilya ng mga SAF trooper.
Aniya, malawak na rin ang kanyang karanasan sa pagsama sa mga operasyon ng SAF at nakita niya ang vulnerability ng mga tropa.
Una nang sinabi ni Acorda na balak niyang i-deploy ang mga tauhan ng SAF sa PNP Drug Enforcement Group matapos madawit sa kontrobersiya ang ilang matataas na opisyal at kawani nito.
Ani Acorda, kumpiyansa siya na masosolusyunan ang problema sa hanay ng PDEG kung pawang mga SAF troopers ang ilalagay rito dahil sa kanilang kasanayan at expertise pagdating sa disiplina.