Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang lahat ng police units sa bansa na iprayoridad ang kaligtasan ng publiko sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Marbil, nananatiling committed ang Pambansang Pulisya na siguraduhin ang kaligtasan ng lahat ngayong holiday season hanggang makabalik sa kalakhang Maynila ang mga kababayan na nagsipagbakasyon.
Samantala, nagbabala rin si Marbil sa mga magtatangkang magsunog ng gulong at maghaharang ng mga kalsada na makakapag-antala sa emergency response efforts.
Aniya, ang mga ganitong ilegal na gawain ay may kaakibat na kaparusahan.
Muli ring nagpaalala si Marbil sa publiko hinggil sa panganib na dulot ng mga paputok.
Payo nito, manood na lamang sa mga itinalagang government-designated fireworks zones at community display areas upang maiwasan ang sakuna sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Kasunod nito, muling hinikayat ng PNP ang publiko na agad i-report sa kapulisan sino man o alinmang bagay na kahina hinala.