Mahigpit ang tagubilin ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr., sa lahat ng mga pulis na huwag makinig sa ingay pulitika.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, inatasan na ni Acorda ang mga Police Regional Directors na ipaalala sa kanilang mga tauhan na manatiling nakatutok sa kanilang misyon at wag magpapa apekto sa mga kaganapan sa pulitika.
Pinayuhan din ni Fajardo ang publiko na maging mapanuri at huwag basta maniniwala sa mga nasasagap na tsismis na may kinalaman sa pulitika.
Kasunod nito, pinasinungalingan ni Fajardo ang mga lumulutang na spekulasyon na may namumuong coup d’etat sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya mismong si Gen. Acorda na ang nagbigay ng katiyakan na walang namo-monitor ang PNP na destabilisasyon laban sa kasalukuyang administrasyon.