Liderato ng Senado, hindi ipapatigil ang imbestigasyon sa PDEA leaks

Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na hindi niya ipatitigil ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald Bato dela Rosa patungkol sa PDEA leaks kung saan idinadawit si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa iligal na droga.

Ayon kay Escudero, wala siyang intensyong pigilan o harangin ang imbestigasyon ni Dela Rosa sa PDEA leaks at ang pasya kung tatapusin na ito ay nasa chairman na ng komite.

This slideshow requires JavaScript.


Una ring sinagot ng senate president na hindi ang PDEA Leaks ang rason ng pagkakatanggal kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri sa pwesto tulad ng mga spekulasyong kumakalat.

Aniya pa, kung PDEA leaks ang dahilan ay hindi na dapat humaba pa at si Dela Rosa na lamang ang tinanggalan ng chairmanship sa komite na nagiimbestiga sa isyu.

Dagdag pa ni Escudero, pinayuhan niya si Dela Rosa na option nitong maghain ng resolusyon patungkol sa imbestigasyon habang naka-recess ang Senado para sa pagbabalik-sesyon ay ma-i-refer nila ito sa komite ni Sen. Bato upang hindi makwestyon ang kanyang pagdinig dahil may resolusyong nakahain.

Facebook Comments