Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, malaking insulto sa Senado ang paninisi sa kanila ni Rep. Mikee Romero kaya nadelay ang pag-sasabatas sa 2019 national budget na nakaapekto sa pondo para sa sea games.
Diin ni Drilon, ang akusasyon ni Romero ay wala sa lugar, iresponsable, walang basehan, at hindi nararapat.
Ipinaalala ni Drilon kay Romero na nagkaproblema sa 2019 budget dahil sa mga isiniksik ditong pork barrel ng mga kongresista na labag sa konstitusyon.
Iginiit naman ni Senate President Tito Sotto III na hindi senado kundi Kamara ang may kasalanan kaya nadelay ang 2019 budget.
Paliwanag ni Sotto, atrasado ng 55-araw na naisumite ng Kamara sa Senado ang 2019 proposed budget dahil nagpalit ito ng liderato.
Pinaalala din ni Sotto kay Romero na noong Pebrero ay inamyendahan pa ang bersyon ng 2019 budget na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee na tinutulan ng Senado at hindi pinayagan ng pangulo.