Iginiit ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi si Pangulong Rodrigo Duterte ang dapat magbitiw kundi ang mga corrupt sa gobyerno.
Diin ni Sotto, inihalal ng taong-bayan si Pangulong Duterte at hindi nito pwedeng talikuran ang tungkulin na iniatang sa kaniya ng sambayanang Pilipino.
Sa tingin ni Sotto ay naibulalas lang ng Pangulo ang hangad na pagbibitiw bunga ng sobrang pagkadismaya sa nagpapatuloy na katiwalian sa pamahalaan.
Para naman kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, sa halip na pag-isipan ang pagbibitiw ay mas mainam kung magiging consistent ang Pangulo sa pagpapatupad ng Anti-Graft and Corruptiom Laws sa mga kaibigan o kaaway man nito na masasangkot sa katiwalian.
Ipinaliwanag pa ni Lacson na magiging epektibo lang din ang matitinding salita at babala ng Pangulo laban sa katiwalian kung may kaakibat itong kongkretong aksyon.
Samantala, binanggit din ni Lacson na hindi na kailangang humarap pa si Pangulong Duterte sa congressional hearing para talakayin kung paano maaaring labanan ang kurapsyon at paano mapapahusay ang Ease of Doing Business Law.
Sinabi ni Lacson na mayroon na silang inihain na panukalang batas na magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihan para maresolba ang problema sa red tape o para mas mapabilis ang transaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan.