Ipinauubaya ni Senate President Juan Miguel Zubiri kay Pangulong Bongbong Marcos, ang desisyon kung babalik ba ang Pilipinas bilang miyembro o hindi ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Zubiri, ang pagpapasya na pumasok o manatiling nasa labas ng hurisdiksyon ng ICC ay desisyong hindi pwedeng gawin ng mga senador.
Aniya, ito ay desisyong maaaring gawin lamang ng presidente ng bansa bilang Chief foreign policy maker ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Zubiri, ang pangulo lamang ang solong gumagawa ng desisyon at ang iba ay ingay na lamang na sumasakay sa isyu kung tayo’y muling babalik o hindi sa ICC.
Sinabi pa ng Senate President na ayaw niyang magkomento pa ng higit dito at hihintayin na lamang niya na pinal na makapagdesisyon ang pangulo sa nasabing usapin.
Matatandaang unang inihayag ni Pangulong Marcos na pagaaralan niya ang posibleng pagbabalik ng bansa sa ICC.