Manila, Philippines – Para kay Senate President Koko Pimentel, dapat mabuksan muli ang pagdinig ukol sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ito ay para marining ang naging basehan ng Department of Justice at ibinaba nito sa kasong homicide ang naunang rekomendasyon na sampahan ng kasong murder ang 19 na pulis na sangkot sa krimen sa pangunguna ni Supt. Marvin Marcos.
Ayon kay Senator Pimentel, sa muling pagbubukas ng senate investigation ay hihingin nila sa Department of Justice ang mga counter affidavits na isinumite ng mga sangkot na pulis.
Posible kasing aniyang iba ang sinabi ng mga ito sa senate hearing, at iba din ang nakasaad sa kanilang mga counter affidavits.
“Sa tingin ko the best way for the Senate to be involved is to reopen the hearing and request for copies of the counter affidavits or whatever other papers or docs that the respondents filed and ask the DOJ, the panel that handled the preliminary investigation on what convinced them or moved them to change their mind that murder was not committed instead homicide,” -pahayag ni Senator Pimentel.
Sa pagdinig ng Senado ay lumabas na sinadya o pinagplanuhan ang pagpatay kay Mayor Espinosa habang siya ay nakaditine sa Baybay Sub Provincial Jail.