Liderato ng Senado, itinanggi na galing sa kanilang empleyado and impormasyon na gumastos si Speaker Martin Romualdez ng P1.8-B sa travel expenses

Mariing itinanggi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang alegasyon na nagmula sa Senado ang source ng nag-leak na impormasyon na gumastos ng P1.8 billion sa kanyang mga byahe si House Speaker Martin Romualdez ngayong taon.

Sa akusasyon ng isang host, Jeffrey “Ka Eric” Celiz ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI), sinasabi nitong galing sa isang empleyado ng Senado ang impormasyon na kanyang ibinahagi sa programa na umabot sa bilyones ang halaga ng travel expenses ni Romualdez.

Giit dito ni Zubiri, wala siyang nalalaman na mayroong empleyado ng Senado ang naglabas ng impormasyon sa sinumang reporter kaugnay sa mga usapin o isyu sa Kamara.


Sinabi ng Senate President na hangga’t walang pinapangalanan ang resource person na Senate employee na nagbigay sa kanya ng impormasyon ay walang dahilan para paniwalaan ito dahil puro lamang ito intriga na target lang ay lumikha ng kontrobersiya at fake news.

Hinimok naman ni Zubiri ang Mababang Kapulungan na ipagpatuloy lamang nila ang kanilang imbestigasyon hanggang sa malaman ang katotohanan sa isyu at hikayatin ang naturang host na pangalanan na ang kanyang source dahil kung hindi ay maaari siyang ipa-cite in contempt ng Kamara.

Pagtitiyak naman ng senador, kung mapapatunayan naman na talagang empleyado ng Senado ang pinagmulan ng impormasyon ay hindi sila magdadalawang isip sa Mataas na Kapulungan na magpataw ng disciplinary action laban sa sangkot.

Facebook Comments