Liderato ng Senado, kinontra ang rekomendasyon ng PhilHealth na ipagpaliban ang pagpapatupad sa Universal Health Care Law

Hindi pinaboran ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang plano ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na ipagpaliban ang implementasyon ng Universal Health Care o UHC Law dahil sa kakulangan ng pondo.

Diin ni Recto, mas higit ngayong kailangan ang UHC Law para sa pagpapahusay ng health infrastructure at health services ng gobyerno.

Giit ni Recto, kung kulang ang pondo ay dapat itong bigyan ng gobyerno ng subsidiya.


Sabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, patungo sa maling direksyon ang plano na ipagpaliban ang implementasyon ng UHC Law.

Katwiran ni Drilon, kailangan ang UHC Law para mapalakas ang health care system at matiyak ang maayos na kalusugan ng mamamayan upang mapagtagumpayan ang laban kontra COVID-19.

Kaugnay nito ay hiniling ni Drilon sa Department of Budget and Management (DBM) na dagdagan ang pondo para sa health sector sa taong 2021.

Ayon kay Drilon, kabilang sa mapagkukunan ng pondo para sa UHC Law ay ang buwis sa alcohol, tobacco products at matatamis na inumin, gayundin ang bahagi ng kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kontribusyon ng PhilHealth members at bahagi ng taunang budget ng Department of Health (DOH).

Facebook Comments