Naniniwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sa ngayon ay sapat ang pondo ng gobyerno pantugon sa COVID-19 crisis kung saan maraming mga Pilipino ang nangangailanan ng tulong at hindi makapagtrabaho.
Binigyang diin ni Sotto na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga miyembro ng kaniyang gabinete ang nagbigay ng garantiya na may sapat na pondo ang gobyerno noong ginawa nila ang Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay Sotto, malinaw ang sinabi ng gabinete na may 200 billion pesos na mahuhugot mula sa mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCC) at mayroon ding bilyon-bilyong pisong savings mula sa year 2019 national budget.
Para kay Sotto, ang kahandaan ni Pangulong Duterte na magbenta ng government assets kapag kinapos ang pondo dahil sa COVID-19 crisis ay nagpapakita lang na gagawin nito ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng sambayanan laban sa pandemic.