Walang pangamba si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pagtatayo ng cell towers sa mga kampo ng militar ng Dito Telecommunity na napiling third telco sa bansa.
Pahayag ito ni Sotto sa harap ng hinalang magdudulot ng panganib sa seguridad ng bansa ang mga cell towers ng Dito Telecom dahil may kasosyo itong kompanya na pag-aari ng gobyerno ng China.
Pero paliwanag ni Sotto, nakatayo rin naman sa mga kampo ng militar ang cell towers ng Smart at Globe na ang backbone ay Huawei na isa ring Chinese technology.
Ang mga telco cell tower ay sa loob ng kampo ng militar ipinupwesto dahil kapag nasa labas ito ay pinapasabugan ng mga rebeldeng grupo kapag hindi naibigay ang nais nilang revolutionary tax.
Ikinatwiran pa ni Sotto na mas maiging nasa loob ng kampo ng militar ang mga cell tower para mabantayan itong mabuti kung may gagawing kalokohan.
Kaugnay nito ay binigyang diin ni SP Sotto ang kahalagahan na maitayo ang mas maraming cell towers sa buong bansa para mapahusay ang koneksyon at bilis ng internet na lubhang kailangan lalo na ngayong may pandemya.