Pinaalalahanan ni Senate President Chiz Escudero ang mga kapwa senador na walang special privileges ang pagkakaloob sa kanila ng protocol plate number 7.
Ang reaksyon ng Pangulo ng Senado ay kasunod na rin ng nag-viral na SUV na may pekeng plate number 7 at dumaan sa EDSA bus lane na nambastos at tinakasan ang lady enforcer na sumita sa kanila.
Ayon kay Escudero, hindi lisensya ang protocol plate para gamitin ng mga mambabatas ang EDSA busway na para sa mga pampasaherong bus sabay ng paalala na sila ay mga kinatawan ng taumbayan at anumang ikilos nila ay repleksyon at imahe ng Kongreso.
Nilinaw ni Escudero na wala namang probisyon na dapat senador ang dapat na palaging sakay ng sasakyang inisyuhan ng plate number 7.
Aniya, ang ganitong protocol plate sa mga senador ay iniisyu sa isang particular na sasakyan at Land Transportation Office (LTO) ang nakakaalam kung sino ang nag-request.
Dalawang protocol plate ang iniisyu sa bawat senador at ito ay inilalagay sa harap at sa likod ng isang sasakyan na nirehistro ng senador.