
Nagbanta si Senate President Chiz Escudero na ipaaaresto ang mga kontratistang hindi dadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa mga maanomalyang flood control projects.
Babala ni Escudero sa mga contractor, kung hindi nila susundin ang subpoena na inisyu ng Senado ay susunod na rito ang paglalabas ng arrest warrant.
Binigyang-diin ng Senate President na hindi siya mag-aatubiling pirmahan ang warrant kung hindi sila magpapakita at dadalo sa patawag ng Senado.
Kailangan aniyang humarap ng mga contractor upang bigyang linaw ang alegasyon ng mga guni-guning flood control projects.
Target na maipadala ngayong linggong ang mga subpoena sa sampung contractors na ipinatatawag ng Senado para sa susunod na pagdinig sa September 1.
Matatandaang sa 15 contractors, pito lang ang dumalo pero dalawa sa construction companies ay nagpadala lang ng kinatawan o abogado ng kumpanya.









