Liderato ng Senado, nagpaabot ng pakikiisa sa mga kapatid na Muslim para sa pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan

Nagpahayag ng pakikiiisa ang liderato ng Senado sa pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan para sa mga kapatid na Muslim.

Ayon kay Senate President Francis Escudero, kasabay ng pagtatapos ng buwan ng Ramadan ay dalangin niyang maging daan ito para sa pagkakaisa at kapayapaan ng bansa.

Sinabi ni Escudero na sa kabila ng pagkakawatak-watak ng bansa sa usaping politikal ay nananatili ang pag-asa na ang Eid al-Fitr ay magsisilbing inspirasyon para sa pagkakasundo at pagkakaunawaan ng bawat Pilipino.


Ang pananampalataya at sakripisyo ng mga kababayang Muslim sa panahon ng Ramadan ay paalala aniya sa ating lahat na mga Pilipino ang kahalagahan ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pagmamahal sa kapwa.

Sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na hindi biro ang ipinakitang debosyon ng mga kapatid na Muslim sa nadaang mga buwan.

Hangad ng senadora na maghatid ito ng kalusugan ng pangangatawan, pagkakaisa, pagmamahalan at kapayapaan para sa lahat.

Facebook Comments