Liderato ng Senado, nakiisa sa panawagan ng Minorya na magsagawa ng mandatory random drug test sa mga empleyado

Nagpahayag ng pakikiisa si Senate President Chiz Escudero sa inisyatibo at panawagan ni Senate Minority Leader Tito Sotto III na humihiling sa liderato ng Senado na magsagawa ng mandatory random drug test sa mga empleyado sa Mataas na Kapulungan.

Sa tugon ni Escudero sa naunang liham ni Sotto, binigyang-diin niyang ito talaga ang intensyon ng Senado at sa katunayan ay may pinasok silang kasunduan sa pagitan ng East Avenue Medical Center noong March 20, 2025 para sa random drug testing pero ito ay naipagpaliban lang dahil sa 2025 midterm elections.

Binanggit din ni Escudero sa liham na noong 2018 hanggang 2020 ay may ipinatutupad na mandatory random drug testing sa ilalim ng pamumuno ni dating Senate President Sotto subalit may naghain ng administrative na kaso dahil sa panghihimasok sa karapatan ng ilang empleyado.

Mula 2020 hanggang sa matapos ang termino ni Sotto noong 2022 ay sinuspindi ang random drug testing dahil naman sa naranasang COVID-19 pandemic at hindi ito naibalik sa 19th Congress.

Sa ngayon ay isinasapinal lamang nila sa Senado ang bagong policy order sa pagsasagawa ng mandatory random drug test at kasalukuyan itong sumasailalim pa sa konsultasyon.

Iginiit ni Escudero na maingat na ikinukunsidera sa mandatory random drug test ang mga concerns na inilatag sa naunang pagpapatupad nito tulad ng paraan ng pagpili at pagsasagawa ng confirmatory test at hinigpitan na rin nila ang intervention measures upang matiyak ang mas epektibo at transparent na proseso ng drug test.

Facebook Comments