Liderato ng Senado, nanawagan na rin kay Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr., na umuwi na ng bansa; gobyerno, maaaring makipagtulungan sa FBI ng US kung talagang may malakas na ebidensya laban sa kongresista

Umapela na rin si Senate President Juan Miguel Zubiri kay Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr., na umuwi na ng bansa at harapin ang mga alegasyon laban sa kanya kaugnay ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ayon kay Zubiri, kung tunay na inosente si Teves sa krimen katulad ng kanyang sinasabi ay mainam na harapin ng kongresista ang mga akusasyon at magbigay na ng testimonya para malinawan na ang isyu.

Sakali namang si Teves talaga ang itinuturong mastermind at kung talagang matindi ang mga ebidensya laban sa mambabatas, sinabi ni Zubiri na maaaring makipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng US.


May kapangyarihan aniya ang pamahalaan na kanselahin ang passport ng isang suspek kung mayroon na itong warrant of arrest at makipag-ugnayan sa FBI para sa tahimik na pag-aresto at pagpapauwi sa bansa kay Teves.

Mababatid na sa isang Facebook post ay sinabi ni Teves na kasalukuyan siyang nasa Estados Unidos matapos na sumailalim sa isang medical treatment.

Pinapaigting din ni Zubiri ang pag-aksyon ng mga awtoridad sa kaso ng pagpatay kay Degamo upang matukoy na ang lahat ng sangkot sa krimen lalo’t sinasabing 12 ang nag-participate at nagplano sa pagpaslang sa gobernador.

Facebook Comments