
Mariing pinasinungalingan ni Senate President Tito Sotto III ang alegasyon na siniksikan nila ng pork barrel ang inaprubahan ng bicameral conference committee na 2026 national budget.
Matatandaang inakusahan ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio na sa pork barrel napunta ang P55 billion na tinapyas sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) na para dapat sa benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno at ang P51 billion na Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ng Department of Health (DOH).
Giit ni Sotto, hindi nagbabasa at hindi nakakaintindi sa paggawa ng pambansang pondo ang nagaakusa ng ganito.
Sinabi pa niya na imposibleng makakuha ng kickback sa mutual benefits ng mga uniformed personnel at hindi niya mawari kung papaanong nasasabi ito.
Binigyang-diin ni Sotto na “pork-free” at walang “midnight deals” o walang last minute insertions sa panukalang pambansang pondo.
Pagmamalaki pa ng Senate President, naging transparent at bukas sa publiko ang pagtalakay sa budget ng bicam.









