Sinang-ayunan ni Senate President “Tito” Sotto III ang mungkahi ni Senator Imee Marcos na buwagin o palitan ng public health experts ang mga leader ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon kay SP Sotto, day 1 o sa simula pa lang ay napuna na ng Senado ang kapalpakan lalo na ng Department of Health (DOH) sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Diin ni Sotto, patunay ng gross incompetence na ito ang lalong tumataas sa halip na bumabang mga kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang isang taon simula ng magpatupad ng mga community quarantine.
Sabi ni Sotto, magaling na magaling ang tingin sa sarili ng mga namumuno sa IATF kaya hindi pinakikinggan ang payo ng mga medical experts at iba’t ibang sektor.
Nilinaw naman ni Sotto na hindi lang gobyerno ang nagkaroon ng pagkukulang kaya tumataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Sotto, responsable rin dito ang mga matitigas ang ulo katulad ng mga nagdaraos ng party, nag-iinuman at sige pa rin ang lakaran.