Liderato ng Senado, suportado ang pagpapaimbestiga sa malawakang brownout sa Panay Island

Suportado ni Senate President Juan Miguel Zubiri na imbestigahan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang malawakang brownout sa Panay Island.

Ayon kay Zubiri, hindi nila hahayaan na wala silang gagawin habang ang mga kababayan ay naghihirap bunsod ng kapabayaan at kawalan ng agarang pagtugon para resolbahin ang power crisis.

Aniya, kung kinakailangan na imbestigahan ng Senado ang power outage sa Panay Island ay gagawin nila ito upang malutas ang puno’t dulo ng naturang problema.


Iginiit pa ni Zubiri sa Department of Energy (DOE) at sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na madaliin ang pagtugon sa isyu ng power crisis sa Western Visayas bago pa man magiwan ito ng mas malalang pinsala sa ating mga komunidad.

Pinakikilos din ng mambabatas ang DOE at NGCP na alamin ang pinakadahilan ng power outage at tiyakin na maibabalik ang kuryente sa bawat kabahayan at establisyimento sa Panay Island, Negros Island at Guimaras sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments