Suportado ni Senate President Tito Sotto III ang pahayag ng Malacañang na maaaring muling ipasuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong na pagterminate sa RP-US Visiting Forces Agreement (VFA).
Reaksyon ito ni SP Sotto sa pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na may opsyon ang Pangulo na palawigin ang anim na buwang suspensyon sa proseso ng pagpapabasura sa VFA.
Ayon kay SP Sotto, magbibigay ito ng pagkakataon sa ating gobyerno para marepaso o muling mapag-aralan at masuri ang ating defense relationship sa Estados Unidos.
Sabi naman ni Committee on Foreign Relations Chairman Senator Koko Pimentel III, malaya ang Pangulo na ipa-terminate ang VFA o ipasuspinde ito ng hindi na kailangang dumaan sa Senado dahil ang nangangailangan lang ng concurrence ng Senado ay ang pagpasok ng Ehekutibo sa bagong tratado.
Gayunpaman, umaasa si Pimentel na darating ang panahon na magkakaroon na ng pinal na pasya ang Ehekutibo kung gusto pa nito o ayaw ng magpatuloy ang VFA.
Diin naman ni Senator Francis Tolentino, prerogative ng Pangulo kung ano ang gagawin sa VFA at patuloy itong gagana hanggang hindi pinal na natutuldukan.
Sa tingin ni Tolentino, pangunahing pakinabang ng Pilipinas dito ay ang pananatili ng kasunduang panseguridad natin sa Amerika.