Nanawagan si Senate President Francis Chiz Escudero sa mga kasamahang senador na iwasang magbigay ng anumang komento at reaksyon tungkol sa isinampang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, kapag umakyat ang reklamo sa Senado, ang mga mambabatas ng Mataas na Kapulungan ang tatayong hukom dito.
Oras aniya na tumayo ang Senado bilang impeachment court, ang anumang bias o pre-judgement sa publiko ay magpapababa sa integridad at tiwala ng publiko.
Tungkol naman sa pagsasampa ng kasong impeachment, sinabi ni Escudero na kasama ito sa due process sa ilalim ng ating Konstitusyon upang masiguro ang accountability sa kanilang mga matataas na public officials.
Sa kabila nito iginiit ni Escudero na hindi dapat maapektuhan ng impeachment ang kanilang mandato sa paggawa ng mga panukalang batas na higit na kailangan ng mga mamamayan.