Kumpiyansa ang mga miyembro ng House of Representatives na kaya ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na makakuha ng 18 boto para mapagtibay ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na naglalayong amyendahan ang mga economic provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, kung gugustuhin ni Zubiri na maipasa ang economic Charter change (Cha-cha) ay tiyak makakahanap ito ng paraan lalo na at maganda ang track record nito bilang mambabatas at ito rin ay isa sa mga pinakamahuhusay na Majority Leaders ng senado.
Sabi naman ni Quezon City Rep. Marvin Rillo, isang hamon sa galing at pamumuno ni Zubiri ang pagpasa sa economic Cha-cha lalo pa’t naiintindihan na ngayon ng taong-bayan na talagang ang Cha-cha ay para sa mamamayan.
Naniniwala naman si Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin na maipapasa ang resolusyon kung ang Senado ay para sa interes ng mga Pilipino.
Diin ni Garin, layunin, hangad at obligasyon ng bawat mambabatas na tugunan ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino at ng Pilipinas na mas madaling matutupad kung mababago ang mga economic provisions sa ating saligang batas.