Hiniling ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na isailalim sa lifestyle check ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ay bunsod pa rin ng imbestigasyon sa anomalya na kinasasangkutan ng mga opisyal at tauhan ng ahensya.
Iminungkahi ni Vargas na sakupin ng lifestyle check ang mga naging opisyal ng PhilHealth mula pa noong 2013 kasunod na rin ng pahayag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na aabot sa ₱153 billion ang nawala sa PhilHealth dahil sa over payment sa nasabing taon.
Partikular na pinakikilos ng kongresista ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC) para silipin ang mga negosyo ng mga opisyal habang pinatututukan naman sa Land Registration Authority (LRA) at Land Transportation Office (LTO) ang mga pag-aari at sasakyan ng mga ito.
Sa ganitong paraan aniya ay malalaman kung sino sa mga opisyal ang nagpayaman habang nanunungkulan sa PhilHealth.
Samantala, umaasa naman si Vargas na mapapanagot nang husto ang mga tiwaling opisyal ng PhilHealth sa pinabubuo ni Pangulong Rodrigo Duterte na multi-agency task force laban sa mga ito.