
Suportado ng Malacañang ang panukalang hakbang ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na patawan ng lifetime blacklisting o habambuhay na diskwalipikasyon ang mga pasaway na contractors, suppliers, at consultants ng gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, tugma ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyang wakasan ang katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.
Paliwanag ni Castro, layon ng DBM na higpitan ang parusa sa mga pribadong indibidwal o kumpanyang paulit-ulit na lumalabag, nagpapabaya, o hindi tumutupad sa kontratang pinasok nila sa gobyerno.
Nakasaad ang panukala sa Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act, na inaasahang magiging matibay na sandata laban sa korapsyon at magtitiyak na mapupunta sa tama ang pondo ng bayan.
Sa oras na maisabatas, tiyak na hindi na makakabalik sa anumang proyekto ng gobyerno ang mga kumpanyang mapapatunayang pasaway.









