Sinabayan ng pangangalampag ng mga motorcycle taxi riders ang pagdinig sa Senado na tuluyang isabatas ang panukala para sa ligalisasyon ng motorcycle taxis sa bansa na limang taong nasa ilalim ng pilot study.
Ayon kay Romeo Maglunsod, Founder at Chairman ng Motorcycle Taxi Community Philippines, magiging malaking tulong sa mga commuters ang mga motorcycle for hire bilang alternatibong transportasyon lalo’t matatagalan pa bago matapos ang subway, Mass Rapid Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT), at maging ang bus rapid transportation.
Paliwanag ni Maglunsod, kapag tuluyang naisabatas ang panukala ay magkakaroon na sila ng tamang insurance at makapagbabayad na rin sila ng buwis at mabibigyan na rin ng proteksyon ang mga tumatangkilik sa alternatibong transportasyon.
Naniniwala ang grupo na kung maisasabatas ang panukala ay mababawasan ang mga iligal na habal-habal dahil matutulungan na silang makapasok sa ligal na industriya.
Nasa 500,000 ang motorcycle for hire na nag-o-operate sa bansa sa ilalim ng pilot study program pero dahil sa kawalan ng batas kaya napipilitan ang iba na maghabal-habal para tumaas ang kita.