Light Rail Manila Corporation, may paalala sa mga deboto ng Poong Itim na Nazareno

Naglabas ang Light Rail Manila Corporation o LRMC ng mga paalala kaugnay sa pagdaraos ng Traslacion 2020.

Ang mga deboto na naka-yapak o walang suot na tsinelas o sapatos ay papayagan na makasakay sa mga tren ng LRT 1.

Umapela din ang LRMC agahan ang pagpunta sa istasyon ng mga tren dahil inaasahan na milyon-milyon ang mga makikibahagi sa okasyon.


Tiniyak naman ng LRMC na may mga volunteer at ambulansya ng Philippine Red Cross na nakadeploy sa Carriedo Station, na maaaring puntahan ng mga debotong pasahero na mangangailangan ng atensyong-medikal.

Mahigpit pa ring ipagbabawal ang pagpasok ng mga matutulis na bagay, mga baril at bala sa mga istasyon at bagon ng LRT 1 kung saan magkakaroon ng dagdag na mga LRMC personnel sa mga istasyon upang matiyak na maaasistehan ang mga pasahero.

Ipatutupad din ang “no inspection, no entry policy” sa mga LRT 1 stations at para hindi maabala sa inspeksyon, mas mainam na huwag na magdala ng maraming gamit.

Facebook Comments